HERMOSA, Bataan – Isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng Hermosa ang pagkakaroon ng insurance ng mga tricycle drivers at mga pasahero nila.
Ayon kay Hermosa Municipal Administrator Atty Ariel Inton, nais ni Hermosa Mayor Jopet Inton na bigyan ng personal passenger accident insurance ang mga pasahero at drivers ng mga tricycles.
Ito ang napagkasunduan sa isinagawang pulong ng mga presidente ng ibat ibang tricycle operators and drivers associations o TODA Federation ng Hermosa sa pangunguna ni Bernabe Leonsame, Federation president at ng lokal na pamahalaan ng Hermosa (LGU-Hermosa).
Dagdag pa ni Atty. Inton, nais ni Mayor Inton na hindi lamang convenience o komportableng pagsakay lamang sa mga tricycle sa bayan ng Hermosa kung hindi maging insured pa ang mga ito sa byahe.
Sa kasalukuyan ay tanging mga pasahero at drivers lamang ng mga pampublikong sasakyan na nireregulate ng LTFRB ang may insurance ang mga pasahero.
Sa tricycle dahil local government units ang namamahala nito, walang mandato ang mga LGUs na magkaroon ng insurance ang mga pasahero at drivers nito.
Ani Atty Inton ito aniya ang dahilan kaya kapag may aksidente at may nasaktan o namatay na pasahero ng tricycle ay walang nakukuhang benepisyo ang mga ito.
Samantala pumayag din ang mga TODA presidents na kumuha sila nito dahil para na rin anila ito sa mga pasahero na kanilang pinagsisilbihan araw araw. Sa konting gastos ay insured naman anila sila.
Sakaling matuloy ang Bayan ng Hermosa ang kaunaunahang bayan sa bansa na magkakaroon ng ganitong benepisyo sa mga tricycles.
Photos courtesy of Atty. Ariel Inton