ISANG BUKAS NA PAANYAYA

Mga Kagalang-galang na Bataeño,

Ako po si Kenji Mori, isang Hapon. Ikinararangal ko pong humarap at bumati ulit sa inyo sa isa pang pagkakataon. Ako po ang donor ng isa sa pinakamalaking pyrotechnic event dito sa Bataan bilang parangal sa mga beteranong sundalo na nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigidig (WW2).

Bilang isang pribadong indibidwal, ang lahat po ng gugulin ay nanggaling sa aking donasyon at hindi sa tax o buwis ng pamahalaan. Ito po ay upang linawin na wala pong ginastos o nasayang na pera ng taumbayan o gobyerno sa event na ito.

Ang lahat po ay libreng mapapanood ng mga tao at walang anumang babayarang halaga. Isang maliit at simpleng regalo para sa mga kabataan na dadalo sa araw na ito.

Nalibot ko na po ang halos buong Pilipinas sa aking mga donasyon. Ako po ay nanggaling na sa Batac, Laoag, Iligan, Tarlac, Bulacan, Rizal Province, Quezon City, Manila, Silay, Lapu-lapu, Capiz, Tacloban, ARMM at Zamboanga. Ang mga kabataan sa Balanga, Pilar at Orion ay kasama rin sa aking mga nabigyan ng donasyon.

May dalawa na akong naitaguyod na pyrotechnic event bilang sponsor, sa Payatas, Quezon City noong December 4, 2014 at sa Antipolo, Rizal noong July 10, 2015. At ngayon nga ay dito sa Pilar, Bataan. Gusto ko na iba-iba ang venue sa bawat pagkakataon.

Ang aking misyon ay simple lang naman. Ito ay upang mapalitan ng sigaw ng kasiyahan ang mga masasamang ala-ala ng WW2. Kung ang paraan upang magawa ito ay mapasaya ang mga milyong kabataan sa pamamagitan ng isang pyrotechnic event, ikinagagalak at ikinararangal ko itong gawin.

Ito na siguro ang pinakamalaking pyrotechnic event bilang parangal sa mga beteranong sundalo sa buong kasaysayan ng inyong bansa, na tatagal ng 25 minuto at may 75K shots at may 3 malalaking LED walls kung saan klarong makikita ng buong Bataan ang mga tinatagong talento ng inyong mga kabataan.

Sa isang banda, para sa aming mga Hapon, ang fireworks ay paraan ng pag-alala sa mga taong lumisan na sa mundo. Kaya tuwing buwan ng Agusto, ginagawa namin ito bilang tradisyon at pag-alala sa aming mga pumanaw. Alam ko rin na gustung-gusto ng mga Pilipino ang mga fireworks. Kaya aking hinihiling, na ang gaganaping pyrotechnic at kasiyahan sa araw na ito ay maging paraan ng ating pag-alala sa mga nasawi noong WW2 at bilang parangal na rin sa mga magigiting at nabubuhay pang mga beteranong sundalo ng Pilipinas.

Ang pyrotechnic ay magsisimula sa awiting Tanging Yaman. Inaanyayahan ko na sabayan nating lahat ang awitin. Kung ang lahat na 100k na manonood ay kakanta, para na rin itong paraan ng pag-alala at pagkilala sa mga kabayanihan ng mga taong magiting na nakipaglaban noong panahon ng digmaan.

Malungkot ang nakaraan ng ating mga bansa pero tayo rin ay naging matatag na magkaibigan.
Kaming mga Hapon ay hindi nakalilimot sa ating mga pinagdaanan at ako’y naniniwala na tatatag ang ating relasyon at mananatili tayong magkakaibigan hanggang sa dulo ng panahon. Please remember us Japanese well.

May mga tao rin akong gustong pasalamatan na naging paraan upang mairaos ang pyrotechnic event na ito dito sa Bataan; Madam Vicky Garcia, Madam Connie Beltran at Madam Tezzie Pizzaro

Ang sabi nila, once in a lifetime event daw ito at ako’y talagang naniniwala rin dito. So, please join us in Pilar, Bataan. Libre po ito, walang babayaran. Maraming maraming salamat po.

Mabuhay!