Katangian ni Balagtas, diwa ng Bataan — Bise Gob Garcia

Ibinahagi ni Mar Jay S. Delas Alas, PIA-Bataan

ORION, Bataan – Ang mga katangian ng manunulat na si Francisco Balagtas ay ang kasalukuyang diwa ng Bataan, ayon kay Bise Gobernador Ma. Cristina Garcia.
Sa kanyang mensahe sa paggunita ng Araw ni Balagtas na ginanap sa bayan ng Orion, sinabi ni Garcia na isa si Balagtas sa nagsulong ng pagkakaisa, pagkakabuklod-buklod, kapayapaan at kaayusan sa lipunan, matapat na paglilingkod tungo sa kapakanan ng mga mamamayan, at kaunlaran ng bayan.
Aniya, ang mga katangiang iyon ng magiting na manunulat ang siyang diwa ngayon ng bawat Bataeño.

Hinikayat niya ang bawat Pilipino na kilalanin pang mabuti si Balagtas at matuto sa mga aral na mapupulot sa mga akda nito.
Dagdag ng bise gobernador, nararapat ang paggunita kay Balagtas bilang pagpapahalaga sa kontribusyon nito sa panitikang Pilipino.
Ani pa ni Garcia, hangad niya na kasabay sa pag-alaala, pagpupugay at parangal kay Balagtas ay makita sa bawat isa ang bunga ng pinasimulang adbokasiya na pamana ng makata.

Si Balagtas ay nanirahan sa bayan ng Udyong, na ngayon ay Orion, at nagtrabaho bilang klerk ng hukuman. Dito niya nakilala ang kanyang maybahay na si Juana Tiambeng.
Isa sa pinakakilalang kontribusyon ni Balagatas sa larangan ng panitikan ay ang epikong Florante at Laura na kabilang sa kurikulum ng mga mag-aaral sa sekondarya.