ORION, Bataan – Aabot sa P65 milyon ang gugugulin para sa rehabilitasyon ng Fish Port at Sports Complex na ilalagay sa halos isang ektaryang lupain sa Barangay Pag-asa ng bayang ito.
Ayon kay Orion Mayor Tony “Pep” Raymundo, matagal na niyang pangarap na magkaroon ng ganitong proyekto at sa tulong ni Bataan Governor Albert Raymond Garcia ay matutupad na umano ito.
Sinabi pa ni Mayor Raymundo na maglalagay ng tanggapan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa nasabing lugar para sa kanilang mga tauhan at para mabantayan o masawata na rin ang magnanais na magsagawa ng illegal fishing sa bahagi ng karagatan ng Orion.
Ayon pa rin kay Raymundo, maglalagay ng mga upuan sa may dalampasigan upang maging pasyalan at pahingahan. Tinatayang kapag maagang matapos ang nasabing fish port, lalo pa itong dadagsain hindi lamang ng mga mamimili kung hindi maging ng mga turista dahil dito na magbaba ng mga huling isda ang mga mangingisda.
Malaki ang pag-asa ni Raymundo na mabilis na matatapos ang proyektong ito dahil buo ang suporta ng Department of Labor and Employment, Provincial Government at ang San Miguel Corporation na handang magbigay ng ayuda sa naturang proyekto.
Kaugnay ng proyektong ito masaya ang Punong Barangay ng Pag-asa na si Benito Juco dahil bukod sa sasaya ang kanyang nasasakupang barangay ay malaking kita pa rin ang papasok at makapagbibigay pa ng dagdag na trabaho sa kanyang mga kabarangay.