Kita ng lungsod tumaas, mga programa paiigtingin pa

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Tumaas hanggang sa 30 porsyento ang kita ng Lungsod nitong nakaraang taong 2017.

Ito ang naging pahayag ni City Mayor Francis Garcia base sa ulat ni G. Joselito Evangelista, Ingat Yaman ng Lungsod. Mula sa P81 Milyon noong 2016, nakakolekta ang kanyang tanggapan mula sa real property tax ng 105 Milyon nitong nakaraang taong 2017.

Ayon pa rin kay Evangelista tumaas din ng 15 porsyento ang koleksyon sa business tax at iba pang buwis na mula sa P96 Milyon ngayon ay nasa P110 Milyon habang 18 porsyento din ang inangat ng kanilang nakolekta sa mga fees at iba pang charges mula P26.8 ngayon ay P31.5 milyon.

Kaugnay nito sinabi ni City Mayor Garcia sa  kanyang State of the City Address noong  gabi ng ika-30 ng Disyembre sa Plaza Mayor de Balanga na mas lalo pang paiigtingin at palalawakin ang mga programa ngayong paglilipat ng taong 2018 lalo na sa pagibigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng Lungsod.

Pinasalamatan din ni Mayor Francis ang mga hepe ng bawa’t departamento ng pamahalaang panlungsod dahil sa kanilang kontribusyon para sa kaunlaran ng Lungsod.

Samantala, tinatayang aabot sa mahigit sa P70 Milyon ang kabuuang halaga ng mga proyektong pang imprastraktura ang natapos na nitong 2017.

Ayon kay Engr. Jesus Mangalindan, Planning & Programming Division Head ilan sa mga nasabing proyekto ay daan, tulay, pathwalks, flood control at drainage system.