LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Poultry growers, fast food owners, tiniyak na ligtas kainin ang mga manok sa lalawigan!
Ito ang matinding pahayag ni G. Erick Hermoso, Pangulo ng Poultry Growers Association Inc. sa lalawigan ng Bataan, sa gitna ng mainit na isyu ng “outbreak ng bird flu” or Avian flu sa karatig na lalawigan ng Pampanga.
Sa panayam sa Power Radio 104.5 FM, ay malinaw na sinabi ni G. Hermoso na na-contain na ang nasabing outbreak sa Pampanga, samantalang sila namang mga kasapi ng organisasyon ay nagkakaisang ipalaganap sa lahat na hindi apektado ng nasabing sakit ang mga manok sa Bataan.
Binigyang diin ni G. Hermoso na sobra ang seguridad sa kalinisan at automated ang pamamaraan ng pag-aalaga ng mga manok sa Bataan kung kaya’t hindi ganoon kadali na mai-transfer ang nasabing flu sa ating mga manukan.
Bagama’t di tayo direktang apektado, sinabi ni Hermoso na agad umaksyon ang kanilang asosasyon sa pakikipag-ugnayan sa Provincial Veterinary Office sa pamumuno ni Dr. Albert Venturina, na bukod sa information dissemination ay magkaroon ng mga inspeksyon sa mga poultry upang madagdagan pa ang mga security measures na kinakailangan para tiyakin na hindi mapapasok ng nasabing sakit ang mga manukan.
Maging ang kanila umanong mga kliyente tulad ng San Miguel Corporation, Bounty Fresh Chicken at iba pa, na siyang umaangkat ng manok sa kanilang mga poultry para i-distribute sa iba’t ibang fastfood outlets sa buong bansa, ang nagsabing hindi apektado ng bird flu ang lalawigan ng Bataan, dagdag pa ni Hermoso.
Kasabay nito ay nagpalabas na rin umano ng mga advisory ang mga nagmamay-ari ng mga prominenteng fastfood chains sa lalawigan, tulad ng Jollibee, Mcdo, KFC at iba pa, na ligtas kainin at walang dapat ikatakot ang ating mga kababayan sa pagkain ng manok dahil hindi tayo apektado ng bird flu.
Gayunpaman, pinayuhan din ni Hermoso ang ibang consumers na kung mayroon pa rin silang duda o takot sa pagbili ng manok sa merkado, na bumili lamang sa kanilang mga suki at pinagkakatiwalaang tindera o tindahan.