Lubos ang kasiyahan at pagpapasalamat ni Gob. Abet Garcia sa pagbubukas ng ika-20 vaccination site sa Bataan. Hindi umano nagdalawang isip ang PETRON/SMC.na buksan ang kanilang auditorium sa The Peninsula School upang magsilbing vaccination site na kayang magserbisyo sa 300 katao.
Sinabi pa ni Gob. Abet na bagama’t hindi kalakihan ang ating probinsya, bawa’t bayan ay may vaccination site, ganun pa man ay hinihikayat pa rin niya ang mga mayors na makipag-partner sa mga private sector/companies upang makapagbukas pa ng mga vaccination sites.
Samantala, sinabi naman ni Ms. Cecille Ang, anak ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation (SMC) na lubos siyang nagpapasalamat sa lahat lalo na sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan, maging sa yunit pamahalaang lokal ng Limay at iba pang mga opisyal, sa walang sawang suportang ibinibigay ng mga ito sa kanila, kahit pa noong walang pandemya.
Ibinalita rin ni Ms. Ang, na bilang isa sa malalaking kompanya sa bansa, layon nila na mabakunahan ang 70 libong empleyado pati na kanilang mga pamilya. Dagdag pa niya, buwan ng Mayo pa lamang ay may nakahanda na silang 300 doktor at narses na nakikipag-ugnayan sa 20 vaccination sites at patuloy din sila sa paghahanap ng mga bakuna.
Ayon naman kay Sec. Vince Dizon, AITF National Task Force Implementer, committed ang pamahalaang nasyonal na bigyan ng alokasyon ang SMC hindi lamang dito sa Bataan kundi sa lahat ng mga vaccination sites nito sa buong bansa.
Ipinahayag din ni Sec. Dizon na sa linggong ito muling makatatanggap ang Bataan ng 50 libong Sinovac at 50 libong Moderna vaccines at tuluy-tuloy umano ang dating ng mga bakuna dito sa Lalawigan.