LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Isinusulong ngayon ni Bokal Danilo Salonga, Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR), sa Sangguniang Panlalawigan (SP) and pagtatalaga ng mga katutubo bilang bantay gubat o kalikasan sa mga kabundukan sa lalawigan ng Bataan.
Sinabi ni Bokal Salonga na layunin ng kanyang panukala, na mapangalagaan ang kalikasan laban sa lahat ng uri ng mapanirang gawain at dahil sa paniniwala at gawi ng mga katutubo sa pangangalaga sa kalikasan, ay magagamit nila ang kanilang mga kakayanan sa tamang pag-aalaga sa likas yaman tulad ng reforestation at assisted natural regeneration.
Ayon sa kanyang pag-aaral (Bokal Salonga) at kung maisasabatas, ninanais niyang magtalaga ng mula anim (6) hanggang labindalawang (12) mga tagapagbantay mula sa 18 pamayanan ng mga katutubo sa lalawigan.
Dagdag pa ni Salonga, na ang hihiranging mga bantay kalikasan ay kinakailangang i-endorso ng kanil-kanilang pamayanan upang matiyak na ang mga ito ay may malinis na rekord at hindi kailanman nasangkot sa anumang mapanirang gawain lalo na yung may kinalaman sa kalikasan.
Dagdag pa ni Salonga, sa ngayon ay matamang pinag-aaralan ng buong kumite ng mga kinatawan ng katutubong Pamahalaan ng Ayta sa Bataan o PANABAT, na makabuo ng mga panuntunan at patakaran para sa mga bantay gubat/kalikasan patungkol sa kanilang mga pananagutan at kapangyarihan.
Ang mga itatalagang katutubo ay sasailalim sa masusing pagsasanay hinggil sa tamang paraan ng pagpapatigil, pagpapahinto at maging sa paghuli sa mga taong gumagawa ng mga bagay na laban o makasisira sa kalikasan.