banner

Mga magsasaka, nagsimula na ng pagsasanay

Written by
  • Jonie L. C.
  • 4 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pormal nang sinimulan ng mga opisyal at miyembro ng Farmer-Innovation of Bataan Association FIBA ang pagsasanay na may kinalaman sa Soil Analysis, Composting and Mushroom Cultivation na isinagawa sa Norberto’s Farm Sitio Maluang, Barangay Cupang Proper Lungsod ng Balanga noong Lunes March 5, 2018.

Ayon kay Dr. Rina Paguia, Project Leader Rice-Mushroom mula sa Bataan Polytechnic State University BPSU Abucay Campus, una nang inilunsad ang programa sa Community Based-Rice Mushroom Production Technologies and Innovations in Bataan for Sustainable Development noong Enero ng kasalukuyang taon, sa Abucay.

Ipinaliwanag ni Bb. Rosalie Laxamana Chemist ll DA Regional Soils Laboratory sa mga magsasaka na bago tamnan ng anomang uri ng gulay o palay ang kanilang mga bukurin ay kinakailangan muna umanong ipasuri sa malapit na tanggapan ng DA sa Bataan ang lupa para makasiguro na tutubo at aani ng maganda ang kanilang mga pananim.

Idinagdag naman ni Bb. Josephinne dela Cruz, Laboratory in Charge DA Regional Soils Laboratory kung wala namang mga laboratoryo sa loob ng lalawigan maaaring magdala ng mga sampol ng lupa ang mga magsasaka sa tanggapan ng DA sa Pampanga para masuri.

Kaugnay nito tinuruan naman ni Bb. Ledesminda Tayag ang mga magsasaka ng tamang pamamaraan sa pagpapatubo at pagpaparami ng kabute  sa panahong ito dahil marami na ang mga magsasakang nag-aani na ng palay at ang dayami nito ay isa sa mga sangkap para mapatubo ang mga kabute.

Hiniling ng mga magsasaka sa Department of Agriculture na suportahan ang grupo na makapagpatayo ng isang laboratoryo sa Bataan para mapadali ang pagsusuri sa mga lupa para sa tamang pamamaraan ng pagtatanim .

Umabot sa mahigit sa apatnaput limang (45) magsasaka mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Bataan ang dumalo sa naturang  okasyon ayon kay  Bb. Sol Rosano, Agricultural Technician l, BPSU Abucay Campus.

Article Tags:
·
Article Categories:
Agriculture · Business · News

Comments are closed.

Shares