Mga mangingisda ng Pilar, nakatanggap ng 2M premyo

PILAR, Bataan – Masayang ibinalita ni Melissa de Leon, Agricultural Extension Worker ng Pilar na nakapasok ang bayang ito sa unang 100 munisipalidad sa Boat Registration (BoatR) na isinagawa  ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa  buong bansa ngayong taon.

Ayon kay Ms.  De Leon dahil nakapasok ang Pilar sa unang isang daang munisipyo na nakapagsubmit ng listahan ng mga bangka na nakarehistro sa Office of the Municipal Agriculturist, natanggap nila ang halagang P2 milyon mula sa BFAR na ibibili naman ng mga kagamitan ng mga mangingisda sa bayan.

Sinabi din ni De Leon na mayroong siyam na grupo ang  mga mangingisda sa bayan ng Pilar. Ang unang apat na grupo ay mula sa mga mangingisda na rehistrado sa DOLE, at ang apat na grupo ay mula sa mga tindera na asawa ng mga mangingisda habang ang isang grupo naman ay kinabibilangan ng mga maliliit na namamalaisdaan.

Ani pa ni Ms. De Leon “isinabmit na namin sa BFAR-3  ang mga dokumento hinggil sa pagbili ng solar lamp at iba pang gamit pangisda na kukuhanin ang pambayad sa premyo naming P2 milyon”.

Ayon sa mga mangingisda, kailangan nila ng solar lamp para kahit umano anong oras sa gabi ay nakakapangisda sila at maaari pa nilang magamit ito sa kanilang tahanan.

Ang bayan ng Pilar ay may humigit-kumulang sa 500 mangingisda.

Live Search