banner

Mga mapanirang insekto sa gulayan, may katapat na!

Written by
  • Jonie L. C.
  • 4 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Magandang balita para sa lahat ng magsasaka! Mayroon nang panlaban sa mga mapanirang insekto sa mga gulayan. Ito ay ang “earwigs” o salagubang na lupa. Ito ang napag-alaman sa isang araw na seminar hinggil sa Management of Biological Control Agent na isinagawa sa Techno Pinoy Center sa City Agriculture Office sa lungsod na ito noong ika-7 ng Nobyembre.

Ayon kay Bb. Marietta Agregado ng Department of Agriculture RCPC Maligaya, Munoz, Nueva Ecija, ang earwig ay isang maliit na insekto, makintab, maitim at pahaba. Madali umanong makilala ang earwig na lalake dahil mas mahaba ang kanyang pangangatawan kumpara sa babae na maikli lamang.
Ang buhay nito ay tumatagal lamang ng 110 araw mula sa itlog hanggang sa mamatay pero mabilis din itong makapagparami dahil kaya ng isang babaeng earwig na mangitlog ng 40 ng hanggang 6 na beses.

Sinabi pa ni Agregado mahusay daw na makipagkaibigan ang earwigs sa mga kulisap na kalaunan ay kinakain nito ang mga itlog nila, iyung maliliit na uod, uod tulog, steam borer at iba pang mga uod na naninira sa mga talbos ng gulat at mais.

Ilalagay mo lang siya sa ubod ng talong at mais na kadalasan daw ito ang pinupuntiryang sirain ng mga uod.

Kapag nasa lupa na ang earwigs kaya nilang maggala na hanggang 1-2 square meters para humanap at kainin ang lahat ng madadaanan niyang uod na mapanira sa mga halaman.

“Sa ibang probinsiya tulad Pangasinan, Tarlac, ito na ang kanilang ginagawa, ang magparami ng earwigs, dahil dito nakikita nila na gumaganda ang kanilang mga pananim saka dumami ang kanilang ani” pahayag pa ni Bb. Agregado.

Samantala pinayuhan naman ni Louie V. Rodis, Agriculturist ll ang mga magsasaka na nagtatanim ng gulay na subukan na nila ang ganitong pamamaraan para gumanda rin ang kanilang halaman tumaas din ang kanilang kita.

Article Tags:
·
Article Categories:
Agriculture · News

Comments are closed.

Shares