LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Handang handa na ang 51 Small and Medium Entrepreneurs (SMEs) ng Bataan na iparada ang kani-kanilang mga produkto bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-75 taong anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa darating na ika-9 ng Abril (Bataan Day).
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Director Nellin Cabahug ang Galing Bataan Trade Fair ay gaganapin sa Plaza Mayor de Balanga simula sa ika-3 hanggang ika-9 ng Abril.
Sinabi naman ni Nora Reclasado ng DTI ilan sa mga de kalidad na produkto ng probinsiya na ibebenta ay ang masarap na kasoy ng Mariveles at Bagac, kilalang Araro Cookies at kropek ng Samal, malinamnam at mabangong kape at polvoron ng Orani, makapal na walis tambo ng Abucay, bignay wine at buko pie ng Balanga City at Morong.
May mabibili ring tuyo at tinapa ng Balanga City, mga produktong gawa sa kawayan, gaya ng silya, mesa, cabinet, basket at iba pa ng Bagac at Limay, banana chips, peanut butter at iba pang uri ng masasarap na pagkain galing sa Pilar, Hermosa, Orion at Dinalupihan.
Idinagdag pa ni Cabahug na mayroon ding mabibiling mga produkto na pang export tulad ng mga bags at sapatos na gawa sa Mariveles.
Ang naturang Galing Bataan Trade Fair ay nagkatulong na inorganisa ng Provincial Tourism Office at ng Department of Trade Industry.