Marami na siguro sa atin ang nakaranas na habang kumakain sa canteen o karinderia ay may dumapong mga langaw sa ating pagkain. Kadiri ‘diba? Dahil ang mga ito ay dumapo na sa mga basura, at kung anu-ano pang mababahong bagay, kung kaya’t hindi biro ang sakit na maaaring idulot nito.
Ang langaw ay nagtataglay ng mahigit 100 sakit ng tao at hayop kabilang na ang cholera, typhoid fever, anthrax, leprosy, at tuberculosis. Para sa nakararami, madali lamang itong itaboy o puksain. Ngunit may mga lugar na lubos na apektado ng biglaang pagdami ng mga ito.
Ayon kay Aldrich Vista, isang entomologist, hindi totoo ang nakasanayang pagsisindi ng kandila sa hapag o paglalagay ng palara sa garapong malinaw para raw malito ang langaw sapagkat hindi naman nakakakita ang mga ito. Sa halip, narito ang kanyang mga tips upang ang mga nakakairitang langaw ay lumayo sa inyong hapag at tahanan:
1. Garlic + lemon + ginger
I-blend lamang ang mga ito gamit ang blender. Kung wala ay maaaring gumamit ng almires. Kapag pino na ay maglagay ng isang kutsara nito sa spray bottle at haluan ng tubig. Ipisik lamang sa hapag at lalayuan na ito ng mga langaw sa loob ng 24 oras kahit pa punasan mo ito.
2. Rosemary + basil + thyme + mint/basil leaves + water
Paghalu-haluin ang mga sangkap sa isang garapon at ilagay sa gitna ng hapag. Ang mabangong amoy nito ay magtataboy sa langaw sa inyong buong kusina.
3. Cinnamon powder + cayenne powder + pepper + chili + water
Itimpla sa isang garapong may tubig ang mga powder at paminta. Dagdagan ito ng isang pirasong hiniwang sili at siguradong matataboy na ang mga langaw. Amoy ito hanggang 50 metro kwadrado.
Mas masarap kumain nang walang istorbong lilipad-lipad o anumang banta sa iyong kalusugan. Mainam na ating panatilihin ang kalinisan ng bawat tahanan at maging maalam kung paano makaiiwas sa banta ng mga pesteng langaw.