ORANI, Bataan – Hihigpitan na ng Metro Bataan Development Authority (MBDA) ang pagparada ng mga malalaki at maliliit na sasakyan sa shoulder ng kahabaan ng Roman Super Highway sa lalawigang ito.
“Inatasan ko na ang aking mga tauhan na sitahin ang mga malalaking sasakyan maging iyung mga maliliit na pumaparada sa gilid ng kahabaan ng highway. Kung sila ay paparada at kakain sa tapat ng mga restaurant sa highway, kailangang ibaba nila sa shoulder ang kanilang mga sasakyan upang hindi makaabala sa mga motorista”. Ito ang malinaw na pahayag ni MBDA Chairman Charlie Pizarro.
Ang alanganing pagpaparada ng mga sasakyan sa gilid ng daan ay isa sa mga nakikita ng pamunuan ng MBDA na dahilan ng mga nagaganap na aksidente sa kahabaan ng lansangan, lalo na umano kung gabi na ikinasasawi ng mga driver at pasahero.
Ayon pa rin kay MBDA Chairman Pizarro bumaba na halos ng 80 porsiento ang bilang ng mga aksidente sa kahabaan ng Highway mula Layac sa Dinalupihan hanggang bayan ng Mariveles. “Hindi lang iyun, malaki ang naitulong ng 54 na CCTV camera na ikinabit sa kahabaan ng super highway at mabilis natin nasasaklolohan ang ating mga motorista kung sakali mang masiraan sila o maaksidente dahil nakikita natin agad”, ani pa Pizarro.
“Marahil natakot na rin ang mga masasamang loob na nanghoholdap ng mga pasahero ng Bataan Transit at Genesis na sumasakay sa ibang lugar at dito bumababa sa parte ng kahabaan ng super highway”. Sabi pa ng Chairman ng MBDA.
“Kung hindi tatalima ang mga driver mapipilitan kami na sila ay bigyan parusa” ito ang mahigpit na tagubilin ni Chairman Pizarro sa mga hindi tatalimang driver.