Part 7

Orani

Ang Orani ay isang primera-klaseng munisipalidad na matatagpuan sa silangang bahagi ng Bataan. Ito ay napapagitnaan ng mga bayan ng Hermosa sa hilaga at Samal sa katimugan. Nasa gawing kanluran nito ang Bundok Natib. Mula sa Maynila, ito ay mararating sa pamamagitan ng Roman Expressway at Bataan National Road.

May sukat na 5,926 ektarya, ang Orani ay nahahati sa 29 na barangay na kinabibilangan ng Paraiso, Balut, Bayan, Calero, Paking-Carbonero, Centro I, Dona, Kaparangan, Masantol, Mulawin, Pag-asa, Palihan, Pantalang Bago, Pantalang Luma, Parang-parang, Centro II, Sibul, Silahis, Tala, Talimundoc, Tapulao, Tenejero, Tugatog, Wawa, Apollo, Kabalutan, Maria Fe, Puksuan at Tagumpay. Batay sa ulat ng Bataan Census, ang Orani ay mayroong 52,501 mamamayan noong 2000. Ang nasabing bilang ay nagmula sa 2,183 na naitala noong 1751. Ang dami ng populasyon ay tumaas pa sa 61,099 noong 2010.


Bagong bayan

Naunang itatag ang Orani bilang isang visita (baryo) ng Abucay noong 1600. Noong 1641, ang Orani ay naging baryo ng Samal matapos na ang huli ay maitatag bilang isang regular na bayan.

Ang Orani ay naging isang ganap na bayan noong Abril 21, 1714, bilang panglimang bayan na naitatag ng mga misyonaryong Dominikano sa Bataan. Ito ay inilagay sa pangangalaga ng imahe ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario (Nuestra Senora del Rosario). Ito na rin ang ginawang provincial headquarter ng mga paring nabibilang sa Dominican Order. Ika-22 ng Hunyo 1768 nang iwan ng mga Dominikano ang Orani at pansamantala itong naiwan sa pangangalaga ng Secular Clergy. Ang Bataan ay nanatili sa pamamahala ng mga paring Sekular hanggang noong Hunyo 8, 1830.


Philippine Revolution, 1898

Isa ang Orani sa mga napinsala nang lubos noong maganap ang Philippine Revolution. Noong Mayo 30, 1898 ay dumating sa Pantalang Luma ang mga sundalong Kastila at mga mersenaryong Kapampangan sakay ng isang barko, ang Dona Dominga, na nagmula pa sa Pampanga. Sa Orani naganap ang madugong labanan nang harapin ng mga Pilipinong rebelde, sa pamumuno ni ”Kolonel” Mariano Medina, ang mga kalaban.

Maraming Pilipino ang nasawi sa mga naganap na labanan. Ang mga Kastila ay nagtuloy sa Samal at Abucay kung saan naman sila tinalo ng mga rebeldeng

nagmula pa sa Balanga at Abucay. Ang mga Bataenyo rin ang tumulong sa mga taga-Orani na mapalaya ang nasabing bayan mula sa kamay ng mga Kastila.

 

Kabisera

Bilang isang bayan ay nalampasan pa ng Orani ang Abucay at Samal sa aspeto ng kaunlaran at dami ng populasyon. Nagawa rin ng mga taga-Orani na paunlarin ang kanilang hanapbuhay sa pangingisda at pamamalaisdaan. Hindi nagtagal ay naging sentro ito ng “masasarap at matatabang alimango” na talagang nagustuhan ng mga tao.

Noong 1905, ang Orani ay tinanghal na bagong kabisera ng Bataan dahil na rin sa kagustuhan ni Lorenzo Zialcita, ang gobernador ng Bataan magmula noong 1905 hanggang 1907. Kahit si Don Pedro Rich ng Samal, na naging gobernador noong 1907 hanggang 1909, ay pinanatili ang pagiging kabisera ng Orani sa loob ng dalawang taon ng kanyang panunungkulan. Nabalik lamang sa Balanga ang pagiging sentro ng Bataan noong 1910 sa panahon ni Mariano Rosauro, taga-Balanga na naging gobernador noong 1910 hanggang 1912.

 

Panahon ng giyera

Bagama’t walang hanay ng pagtatanggol na inilatag sa Orani ang USAFFE, napinsala din ng lubos ang Orani matapos itong gawing kampamento ng Japanese Army habang nagaganap ang mga labanan sa Abucay-Morong Defense Line. Nauna rito, umulan sa Orani ang maraming bombang ibinagsak ng mga eroplanong Japanese Tora-tora bago pa pumasok ang mga sundalong Hapones sa Orani. Maraming mamamayan ang namatay, nasunog ang mga kabahayan sa bayan, at nasalanta din ang simbahan ng Nuestra Senora del Santo Rosario.

Pumasok ang mga Hapones sa Orani noong Enero 6, 1942 at muli nilang binomba ang kabayanan para tiyaking walang USAFFE na naiwan sa bayan at makagawa ng pananambang. Muli, ang simbahan ng Nuestra Senora del Rosario ang naging sentro ng mga labanan. Inokupahan ng mga Hapones ang maraming natirang bahay sa Orani, kasama na ang bahay ni Herminia Oliveros na ginawang tirahan ni Heneral Masaharu Homma. Ang gusali ng Home Economics sa loob ng Orani Elementary School ay ginawa namang garison. Nabawi lamang ng American Liberation Forces, sa tulong ng mga gerilya, ang Orani noong Pebrero 7, 1945

 

Bagong Orani

Ang Orani sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nangunguna sa pagpapaunlad sa negosyo ng “alimango” sa buong Gitnang Luson. Umunlad din ang hanapbuhay sa pag-aalaga ng sugpo, bangus, tilapia, talaba at tahong kaya naman inaasahan na isang bagong pantalan ang itatayo sa nasabing bayan para sa pag-aangkat ng mga nasabing produkto. Umunlad din ang pagsasaka sa Orani na akmang-akma sa pagtatanim ng palay, kape, mani, sitrus, gulay at iba pang produktong pang-agrikultura.

Ang Orani ay mayroong isang bagong munisipyo, sports center at bagong plasa. Maayos pa rin ang kalagayan ng Orani Public Market na itinayo noong 2001. Maganda rin ang kalakalan at may mga sangay ng mga banko gaya ng PNB, Planters Bank at Village Savings. Mayroon din ditong mga paaralan gaya ng sangay ng Bataan Peninsula State University, na ang ginamit na kampus ay ang dating Bataan National School for Filipino Craftsmen, Bataan Central Colleges (dating St. Patrick College-Bataan Educational Institution), Academy of Queen Mary, Holy Rosary Parochial Institute, Jose Rizal Institute at noong 2008 ay binuksan naman ang Solafide Montessori School sa Barangay Balut. Mayroon ding Orani Emergency Hospital sa nasabing bayan.

Bukod kay Lorenzo Zialcita, naglingkod din bilang mga gobernador ang ilang taga-Orani tulad nina Simeon Salonga (1942-1945) at Efren B. Pa scual (1972-1980, 1980-1986). Si Efren E. Pascual Jr., isang lehitimong taga-Orani, ang kasalukuyang bise-gobernador ng Bataan.