PIO-MISO buo ang suporta sa 1M41B Challenge

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Bilang pagsuporta sa proyekto ng pamahalaang panlalawigan na isang milyong puno para sa 1Bataan (1M41B) sa pangunguna ni Gob. Abet Garcia, ang mga kawani ng Provincial Information Office at Management Information Systems Office ay nagtanim ng iba’t ibang klase ng puno sa compound ng John Wesley Methodist Center sa Barangay Gugo, bayan ng Samal, noong Huwebes, ika-25 ng Oktubre..
Kasunod noon isang Gender and Development (GAD) Seminar ang isinagawa sa loob ng Boardroom ng Bulwagan ng Bayan alinsunod sa itinatakda ng RA 9262 o mas kilala bilang Anti Violence Against Women and their Children Act of 2004 na nangangalaga sa mga karapatan ng kababaihan at bata.
Ayon kina Rosana Verdida at Myra Ocampo mga taga pagsalita, tatlong taon na nilang ginagawa ang programang ito sa lahat ng mga kawani sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang panlalawigan.
Nang sumunod na araw, ika-26 ng Oktubre, isinasagawa ng nasabing mga kawani ang taunang Team Building sa Camaya Coast sa bayan ng Mariveles. Layon ng gawaing ito na mas lalo pang paigtingin ang pagkakaisa ng mga kawani upang maisakatuparan at maisulong ang mga magagandang adhikain ng kanilang tanggapan tungo sa ikakaunlad ng Lalawigan.