LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Hinihiling ng mga concerned citizens ng Lungsod na ito na mahigpit na ipatupad ng Pamahalaang Panlungsod ang Resolution No. 223 Series 2017 na nag-aatas sa mga mamimili ng paggamit ng paper bag, pagdadala ng basket, Eco bag at bayong sa tuwing mamamalengke tuwing araw ng Huwebes at Biyernes sa mga pamilihang bayan sa Lungsod.
Ayon sa mga nakakapanayam na residente ng Balanga, gaya ni Gng. Weng Mendoza, mas gusto daw niyang gumamit ng bayong o kaya man ay basket sa tuwing siya ay namamalengke.
Samantala ipinahayag naman ni City Agriculturist at City Environment and Natural Resources Officer Ms. Nerissa Mateo, na mayroon na umanong isang resolusyon na ipapasa ang mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan na nagsasaad na tuluyan nang ipinagbabawal ang paggamit ng plastic sa pagpasok ng taong 2019 at magpapataw ng mabigat na parusa sa sino mang nag mamay-ari ng negosyo na hindi susunod kapag ito ay isa nang Ordinansa.
Layunin ng naturang batas na paalalahanan ang mga mamamayan na magkaroon ng disiplina upang mabawasan ang mga plastic na itinatapon sa landfill.