Programang KAANIB, malaking tulong sa mga pamilya

LUNGSOD NG BALANGA, Bataan – Tuloy ang pagmomonitor ng mga opisyal ng KAANIB Program sa kanilang mga proyekto sa mga barangay ng lungsod.

Ayon kay Bb. Alona Polintan namumuno sa KAANIB, kailangang tulungan ang mga barangay na kasapi sa programang ito na ipinatutupad ni City Mayor Francis Garcia.

Ayon kay Polintan, kailangan lang ng mga bakanteng lote na hindi ginagamit ng mga may-ari na pumapayag namang tamnam ng sari saring gulay ang kanilang lupain. Iyung mga buto, sagot na ng City Agriculture Office, at ang maaaning gulay ay pwede nilang ibenta para dagdag kita nila.

Sa kasalukuyan ay nasa Barangay Pto. Rivas ang KAANIB upang tulungan ang grupo ng mga kababaihan dito na nagtanim ng gulay na sumailalim sa Shared Service Facilities o SSF na isa rin sa mga pangunahing programa ng Lungsod.

Kaugnay nito tudo suporta naman ang mamamayan sa nasabing programa dahil malaking tulong ito sa bawa’t pamilya na kapos sa kabuhayan at walang pinagkakaabalahan sa tahanan.

Ipinahayag din ni Polintan na susunod nilang puntahan ang Sulong Magsasaka Association (SMA) sa Sitio Maluang Barangay Cupang Proper.

Ang SMA ay may proyektong Mushrooms and Vegetable Production na nakapagsimula na rin sa pagtatanim sa tulong ng City Agriculture Office sa pamumuno ni Bb. Nerie Mateo.

Sinabi ni Mateo na susuportahan ng kanyang tanggapan ang mga ganitong programa para maging progresibo ang mga magsasaka sa pagtatanim hindi lamang ng palay kundi maging mga gulay.

Kaugnay nito, itinuro ni Bb. Rina Paguia, Faculty Researcher sa BPSU Abucay Campus sa mga miyembro ng SMA noong nakaraang Linggo ang pagtatanim ng mushrooms.

Ayon kay Paguia kailangan munang ihanda ang tuyong dahon ng saging, lugar na pagtataniman bago isabog paikot ang punla ng mushrooms.

Sinabi pa ni Paguia na kailangan munang ibabad nang buong magdamag ang tuyong dahon na ibinigkis bago isabog ang binhi ng kabute sa unang bahagi saka patungan muli ng dahon at ilagay muli ang binhi hanggang sa ano ang gusto mong taas.

Pagkatapos na mailagay lahat ang binhi balutin ng cellophane na malinaw ang paligid at hayaan ang moisture ang magdilig sa mushrooms. Pagkaraan lamang ng labing isang araw o hanggang sa tatlong lingo pwede na itong anihin.

 Photos courtesy of Brgy Pto. Rivas Itaas Kaanib FB page.