LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pinangunahan ni 2nd District Congressman Joet Garcia ang pasinaya para sa recirculating dryer na nagkakahalaga ng P1.8 milyon sa Sitio Maluya, Cupang Proper, ng lungsod na ito noong ika-9 ng Nobyembre.
Ayon kay Congressman Garcia hindi biro na magawan ng paraan na pagtulung- tulungan ang pagtatayo ng ganitong klaseng pasilidad para sa lahat ng ating kasamahan na siguradong makikinabang dito.
Kaya pinasalamatan ni Cong. Joet ang lahat ng samahan ng magsasaka sa Lungsod na kinabibilangan ng FAPCI, Cupang West Multi Purpose Cooperative, Dangcol Farmers Group, BARB-MPC, Sulong Magsasaka Association, City Organic Association, Samahan ng Magsasaka sa Cabog-Cabog, Manimas Irregators at Balanga City Farmers Association dahil sa kanilang pagkakaisa at maayos na sistema ng pagbibigay tulong ng City Agriculturist sa pamumuno ni Bb. Nerrisa Mateo.
Sinabi naman ni Bb. Mateo na dahil sa malasakit ng kanilang City Mayor Francis Garcia sa samahan ng mga magsasaka at sa walang sawa nitong pagbibigay ng tulong, lalo pa nilang paiigtingin ang pagtulong sa mga kooperatiba at asosasyon sa Lungsod.
Ipinahayag naman ni Boyeth Garcia, Chairman ng Cupang West Multi Purpose Cooperative na kayang patuyuin ng naturang dryer ang mahigit 100 sako ng palay.