banner

Ricky Lee, tinanghal na Dangal ni Balagtas 2018

Written by
  • Zeny S.
  • 5 years ago

ORION, Bataan – Iginawad kay Ginoong Ricardo “Ricky Lee” tanyag na scriptwriter, ang Dangal ni Balagtas 2018 para sa kanyang mga katha at dulang pampelikula.

Sa binasang parangal, sinasabing binuksan ni G. Lee, ng kanyang panulat ang ating pandama sa salaysay at saysay ng pagiging Filipino, na mula sa kanyang masinsing paghahabi ng mga kwento hanggang sa mga iskrip pampelikula, dula at kalaunay mga nobela, lagi ipinagigitaw ang rangal at rikit ng pag-iral ng pag-ibig sa sariling bayan. Walang pag-aatubili ang pagbibigay niya mulang batis ng sariling panahon at talino sa mga suungin ng pagsulat. At sa dulo, ang batis na ito ay nagiging ilog, nagiging dagat hanggang sa maging karagatang nagkakaloob ng biyaya at patunay na pinag-uugnay tayo ng tubig na tinatawag nating panitikan.

Sa kanyang tugon, sinabi ni G. Lee na ang gawad parangal na ito ang itinatangi niyang malaking karangalan. Ayon pa sa kanya, ang kauna-unahang parangal na tinanggap niya ay noong 2nd year siya sa UP, kung saan nanalo siya ng 3rd at 1st prize sa taunang patimpalak ng Philippine Free Press, na talagang labis niyang ikinatuwa dahil ramdam niya na isa na siyang manunulat, na malakas ang pwersa ng kanyang panulat pero kulang sa indayog, ayon pa sa isang hurado.

Pinayuhan din umano siya ni Amado Hernandez, na magbasa siya ng klasikong Tagalog na nobela upang maisapuso umano niya ang indayog at musika ng ating sariling wika, na kanya umanong ginawa.

Ipinaglaban din umano niya na sa Fiipino lamang siya magsusulat, na siya ay nagpapasalamat sa pagkakataon na naging bahagi siya ng patuloy na paglilinang ng ating wika.

Kanya ring sinabi na, sa mabilis na pagbabago ng mundo dala ng teknolohiya, sana raw ay lalong dumami pa ang nagsusulat sa Filipino sa iba’t ibang paraan. At sana, dumami ang mga parangal na tulad nito na tila isang tapik, isang himas, isang yakap na sobrang nagbibigay ng lakas sa isang manunulat.

Article Tags:
·
Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares