Ibinahagi ni Jose Mari M. Garcia, PIA-Bataan
LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Limang araw na nanatili sa harap ng Balanga City Hall ang roving information kiosk ng Philippine Information Agency o PIA na layong bigyang kamalayan ang mga simpleng mamamayan patungkol sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.
Ayon kay Alicia Lopez, residente ng Balanga, malaki ang maitutulong ng ASEAN sa ekonomiya ng bansa, at isang masayang pagkakataon din ang pangunguna ng Pilipinas sa pagdiriwang.
Para naman sa isa pang Balangueño na si Lourdes Pascual, nakatulong sa pagmulat sa taumbayan ang iba’t ibang impormasyon na kanilang nakuha sa kiosk.
Naging tampok din ang kiosk sa isinagawang pagdiriwang ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week noong Hulyo 15 kung saan 600 katao ang dumalo.
Ayon kay PIA Regional Director William Beltran, iikot ang kiosk sa mga mall, pamantasan, negosyo centers, at tourist assistance centers sa buong rehiyon na layong maipaunawa sa mga nasasakupan ang patungkol sa ASEAN.
Bukod pa aniya rito ay nilalayon din ng proyektong isabuhay ang mga benepisyong hatid sa mamamayan at bansa bilang miyembro ng naturang komunidad.
Pilipinas ang chair ng ASEAN ngayong 2017 na ika-50 anibersaryo ng organisasyon.
Naka-angkla ito sa temang “Partnering For Change, Engaging the World.”
Maliban sa roving information kiosk, may kiosk rin ang PIA sa Departure area ng Clark International Airport.
Ang iba pang bansang kasapi ng ASEAN ay ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, at Viet Nam.
With report from Gladys Grace S. Nohay, intern