Sa kabute, may pera na, masustansya pa!

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pinangunahan ni City Supervising Technician Ronie Lopez ang isinagawang pag-aaral ng Sulong Magsasaka Association (SMA) hinggil sa pag-aalaga ng kabute sa Sityo Maluang Cupang Proper, lungsod na ito, nitong nakaraang linggo.

Ayon kay Lopez isa sa pangunahing sangkap upang maging mas malasa ang pagkain ay ang mushrooms o kabute na ginagamit ng mga malalaking restaurants, food chains at maging mga karenderya kaya dapat lamang na ito ay paramihin.

Sinabi naman ni Bb. Rina Paguia, Asst.Project Extentionist Researcher 3 ng Bataan Peninsula State University (BPSU) Abucay Campus na ang pagkain ng kabute ay may mabuting maidudulot sa ating kalusugan. Ito umano ay mayroong minerals tulad ng potassium at calcium at mga bitamina tulad ng vitamins A- B-C at D.

Ipinahayag pa ni Paguia mas maraming Vitamin A ang makukuha sa kabute kung ihahaming sa repolyo,carrots, kamatis, saging  at mansanasl; mataas din ang ascorbic acid ng mushrooms.

Pinaniniwalaan din ng mga eksperto sa pagkain na ang kabute ay nagbibigay ng proteksyon laban sa mga gaya ng tumor at kanser.

Idinagdag pa ni Paguia na lahat ng kabute ay walang kolesterol kaya mainam na kainin ito ng mga nagkakaidad at mga ang timbang.

Samantala itinuro naman sa mga opisyal at miyembro ng SMA ni Bb. Mirasol Rosano, Agricultural Technician 1 ng BPSU Abucay Campus ang tamang paraan ng pagtatanim ng kabute at kung ilang araw bago ito anihin.

Kaugnay nito pinasalamatan ni G. Michael Layug, Pangalawang Pangulo ng SMA sina Paguia at Rosano sa masusing pagtuturo nila sa naturang asosasyon.

Sinabi ni Layug na ang SMA ay binubuo ng mga maliliit at nagkakaisang magsasaka at manggagawa sa kanayunan na ang tanging hangarin ay mapaunlad ang kabuhayan ng  mga miyembro sa pamamagitan ng pagsusulong upang mapalago ang industriya ng kabute at vegetables production sa lalawigan.

“Hindi po magtatagumpay ang aming proyekto kung walang ahensiyang magtutulak sa aming likuran para maisulong ng aming asosasyon ang lahat ng mga programang pangkabuhayan na ilulunsad ng pamahalaan” dagdag na pahayag ni Layug.