Safe Overhead Lines Act, pasado sa komite

Safe Overhead Lines Act, pasado sa komite

Inaprubahan ng Joint Committee on Energy at Committee on Information and Communications Technology ng Mababang Kapulungan ang House Bill 617 o Safe Overhead Electric Distribution, Cable, and Communications Lines Act. Layunin ng panukalang batas na tugunan ang matagal nang suliranin sa magulong, nakalawit, at delikadong mga kable ng kuryente, internet, at komunikasyon sa iba’t ibang komunidad sa bansa.

Sa ilalim ng HB 617, obligadong magsagawa ng regular na inspeksyon ang mga utility company, sumunod sa Philippine Electrical Code, at ayusin o alisin ang mga sirang o abandonadong kable na nagdudulot ng sunog, aksidente, at pagkaantala ng serbisyo. Kabilang din sa mandato ang mas organisadong paglalagay ng poste at linya gamit ang joint-use structures at mahigpit na koordinasyon sa LGUs, DPWH, at iba pang ahensya.

Ayon kay Bataan First District Rep. Tony Roman III, ang pagpasa ng panukala sa komite ay malaking hakbang tungo sa mas ligtas, maayos, at modernong pamamahala ng overhead lines para sa kapakanan ng mga pamilya at motorista. Tiniyak niyang patuloy niyang isusulong ang mga programang nagtataguyod ng public safety at kaayusan sa buong bansa.

Leave a comment