Pinalakas ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang pagsusulong ng values-based governance matapos tipunin ang mga faith leader at opisyal ng Freeport para sa sama-samang pagninilay sa pamamahala at paglilingkod-bayan.
Ayon kay SBMA Chairperson at Administrator Eduardo Jose Aliño, mahalagang nakaugat sa pananampalataya ang pamumuno upang matiyak na ang mga patakaran at desisyon ay nakatuon sa kapakanan ng publiko, kasabay ng pagpapatupad ng mga programang may epekto sa negosyo, manggagawa at komunidad sa loob at paligid ng Subic Bay Freeport Zone.
Idinagdag ni Aliño na ang Prayer Breakfast ay nagsilbing pagkakataon para huminto at humingi ng gabay sa gitna ng mabibigat na tungkulin at hamon ng mga lider, na aniya’y nagbubuklod sa iba’t ibang sektor sa iisang layuning maglingkod nang may integridad at pananagutan.
Pinangunahan naman ng mga kinatawan ng iba’t ibang relihiyon, kabilang sina Fr. Emmanuel Montes, Ustadz Sam Maharum at Bishop Noel Pantoja, ang ecumenical prayer bilang tanda ng inklusibidad at paggalang, habang ang taunang pagtitipon na sinimulan noong Enero 2025 ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng SBMA na itaguyod ang etikal na pamumuno at sama-samang responsibilidad para sa napapanatiling kaunlaran.