Sesyon ng Samal SB, idaraos sa mga barangay

SAMAL, Bataan – Ito ang inilahad ni Vice Mayor Aida Macalinao sa kanilang nakaraang sesyon dahil umano sa nakatakdang paggiba sa kabuuan ng kanilang munisipyo sa darating na Hulyo o Agosto ng taong ito.

Ayon kay Vice Mayor Macalinao, naipaliwanag na umano ni Mayor Gene dela Fuente sa lahat ng mga empleyado ng Pamahalaang Bayan na ang mga opisina ay pansamantalang ililipat sa kanilang evacuation center para bigyan daan ang ipagagawang makabagong gusali ng Pamahalaang Bayan ng Samal.

Dagdag pa ni Vice Mayor Macalinao na, ang kagandahan umano ng pagdaraos ng sesyon sa iba’t ibang barangay ay personal nilang makakaharap ang mga bagong halal na opisyal, personal nilang maririnig mula sa kanila at sa kanilang mga mamamayan ang kanilang mga hinaing at ninanais na mga proyekto para sa kanilang barangay.

Ipinaliwanag din ni Macalinao na malalaking barangay lang ang pagdarausan ng kanilang sesyon tulad ng mga barangay ng Gugo, Palili, Calaguiman at Lalawigan at maaari umanong imbitahan na lang nila ang mga opisyal ng maliliit na barangay na malapit sa pagdarausan ng nasabing sesyon para mag-observe.

Pinapurihan at pinasalamatan din ni Vice Mayor Aida Macalinao ang mga miembro ng sanggunian sa kanilang pagiging masisipag at very cooperative sa kanilang mga gawain.

Live Search