LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Binigyang diin ni Senator Cynthia Villar sa isang panayam matapos siyang magsalita bilang guest of honor sa 91st Installation of Officers ng Bataan Masonic Lodge no. 104, na supisyente umano ang suplay ng bigas sa buong bansa, na wala umanong dapat ikatakot dahil walang kakulangan o shortage ng bigas.
Ipinaliwanag ng butihing chairman ng komite ng agrikultura sa senado, na nagkaroon umano ng problema dahil nagkulang ang NFA sa pagbili ng bigas sa ating mga magsasaka..
Sinabi rin ni Senadora Villar na sa ngayon ay tumutulong na ang opisina ni Secretary Piñol sa pagbebenta ng bigas sa kanilang opisina sa Quezon City sa halagang P38.00 bawat kilo, nangangahulugan lamang umano na pinalahok nila ang mga miyembro ng mga kooperatiba na mga magsasaka na makapagbenta ng mas murang bigas para sa mga tao.
Nilinaw pa ni Senador Villar na ang pagdinig na ginaganap sa senado ay sa dahilang matatapos na ang “quantitative restrictions on the importation of rice,” na ayon pa sa kanya, pinag-uusapan kung pwede na bang umangkat ng bigas ang mga importers sa ibang bansa pero mayroong taripa at ito ay para maprotektahan ang kapakanan ng mga magsasaka.
Ang makukuha umanong taripa mula sa importasyon ng bigas ay ilalaan para sa mga magsasaka sa ilalim ng programang “Rice Competitive Enhancement Fund” na kung saan ay nais nilang matulungan ang mga magsasaka na makaani ng bigas tulad sa Vietnam na P6.00 lamang ang presyo bawat kilo sa mercado.
Sa ilalim ng Rice Enhancement Competitive Fund, bibigyan ang mga magsasaka ng badyet para makapagprodyus sila ng mga magagandang binhi, maging malaki ang kanilang produksyon, maturuan sila sa mekanisasyon para matanggal na ang mga post harvest losses at bibigyan sila ng badyet sa pautang para hindi na sila nangungutang sa “5-6”.
“It is with hope, na matulad tayo sa Vietnam, upang matigil na ang rice smuggling at higit pang mahalaga rito ay maging competitive ang ating mga magsasaka para kumita sila nang mas malaki at makaahon sa kahirapan”, ayon pa kay Senadora Villar.