SAMAL, Bataan – Wala na marahil sasaya pa sa mga batang bukod sa nakasuot ng iba-ibang kasuotang pang-Halloween ay maaabutan pa ng supot ng kendi at biscuit at ibang regalo.
Ito ay naganap kaninang umaga (Miyerkules) sa Sta. Lucia, barangay ng mga magsasaka sa bayang ito, kung saan ang mga bata mula sa day care center kasama ang kanilang mga magulang at guro ay nagdaos ng “trick or treat”.
Ayon kina Ken Elvambuena Poblete (pangulo ng samahan ng mga magulang) at Melani Austria (guro sa Sta. Lucia Day Care Center), ito ang kauna-unahang “trick or treat” sa barangay na naglalayong maipadama sa mga bata sa kanayunan ang nakikita nilang pagsasaya ng mga bata sa lungsod at malalaking bayan kapag sumasapit ang Halloween. “Malaking kasiyahan ang dulot nito sa mga bata,” sabi ng dalawa.
Hindi malalaking tindahan o negosyo tulad sa siyudad or kabayanan ang naghanda ng mga supot ng kendi, biscuit at mumunting regalo na iniabot sa mga bata kundi mga karaniwang residente at pamunuan ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Reynaldo Vinzon.