banner

“Wala nang bayad sa patubig” – NIA

Written by
  • Zeny S.
  • 6 years ago

ABUCAY, Bataan – Ito ang isa sa magandang balitang narinig ng mga magsasaka mula kay National Irrigation Administration (NIA) IMO Manager Prudencio B. Santos sa katatapos na stakeholders Irrigation Development Forum. Ayon sa kanya, wala nang sinisingil ang NIA sa patubig, sa halip, ang NIA pa ang nagbabayad sa mga magsasaka sa pagmementina ng mga irigasyon.

Ang nasabing programa ng NIA na gawing libre ang mga patubig, ayon pa kay Manager Santos ay galing sa direktiba ni Pangulong Duterte na tulungan ang mga magsasaka na maging  maalwan ang buhay.

Idinagdag pa ni Santos na maingat ang NIA dahil matindi ang utos ng Pangulo na ang bawat badyet na ibibigay sa NIA ay siguruhing makararating at magagamit sa mga proyekto ng mga magsasaka.

Ayon pa kay Santos, nagkaloob umano si Spokesperson Harry Roque para sa 12 bayan sa lalawigan ng Bataan ng pondo sa mga patubig, ilan dito ay P5M para sa Hermosa, P30M para sa Dinalupihan, P5M para sa Abucay, P1M para sa Orani, P1M para sa Samal at sa iba pang bayan Bataan.

Sinabi ni Mang Virgilio, isang magsasaka ng Samal, na napakalaking tulong umano ang dagdag na patubig lalo na ngayong magtatag-init, para lumakas ang kanilang ani

Paalala ni G. Santos na ang lahat ng mga requests para sa proyekto ay kinakailangang manggagaling sa mga magsasaka base na rin sa kanilang pangangailangan.

Samantala, nagpasalamat si Mayor Liberato Santiago ng bayang ito, dahil mapalad ang Bataan partikular na ang bayan ng Abucay na mabiyayaan ng maraming pang patubig.

Article Tags:
·
Article Categories:
Agriculture · News

Comments are closed.

Shares