Inanunsyo ni Abucay Mayor Erik Martel ang pagpapatupad ng 4-day work week sa pamahalaang bayan simula Marso 9, 2026, alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 na inilabas ng Office of the President. Sa ilalim ng bagong iskedyul, magtatrabaho ang mga tanggapan ng munisipyo mula Lunes hanggang Huwebes, 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.
Ayon sa pamahalaang bayan, layunin ng bagong iskedyul na makatulong sa pagtitipid sa enerhiya at operasyon ng mga tanggapan ng gobyerno. Gayunman, may ilang opisina na mananatili sa regular na limang araw na trabaho o walong oras kada araw upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Kabilang sa mga tanggapang hindi sakop ng 4-day work week ang Rural Health Unit (RHU), MDRRMO o Command Center, MSWD, MENRO/MRF, Agriculture, Public Market, Himlayan, Sibul, Utility/Maintenance, at Abucay Marshalls. Mananatili ang implementasyon ng naturang iskedyul hanggang sa maglabas ng bagong kautusan ang Office of the President.