6 na shared service facilities ipamamahagi ng DTI

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Anim na shared service facilities ang nakatakdang ipamahagi ng Department of Trade and Industry (DTI) sa taong ito sa mga aktibong kooperatiba sa lalawigan ng Bataan. Ito ang pahayag ni Tess Magtanong, DTI Information Officer sa isang talakayan kamakailan. Ang DTI Bataan ay nasa ilalim ng superbisyon ni Provincial Director Nellin Cabahug.

Isa sa mga aktibong kooperatiba na makatatanggap ng biyaya mula sa ahensiyang ito ay ang Alyansang Nagkakaisang Abukenya ANA sa Abucay na may proyektong Food Processing na ang pondo ay hindi kukulangin sa P170,000.

Proyektong pangkabuhayan din (cashew processing) ang matatanggap ng Mabiga Farmers Development Cooperative MFDC sa Hermosa na pinondohan ng aabot sa halagang P190,000 na nakatakdang ilunsad sa ika-9 ng Marso ng taong ito.

Idinagdag pa ni Magtanong na nabiyayaan din ang samahan ng KABAKA-Kababaihan Tungo sa Kaunlaran ni Cong. Herminia Roman ng First District. Ang Bagoong Alamang Making ng grupong ito ay ginastusan ng P153,440.

Nakalinya din na tatanggap ng proyekto mula sa nasabing ahensiya ang grupo ng BARB MPC ng Tuyo sa lungsod na ito na gagawa naman ng noodles gamit ang mga gulay tulad ng kalabasa, malunggay at iba pa na may pondong hindi kukulangin sa P150,000.

Isa rin sa mga beneficiaries ng DTI ang Gabon OFW Family Circle Association ng Abucay na mayroon ding Food Processing project na ang budget aabot sa P322,516.

Parating na rin ang makina sa paggawa ng walis tambo na ibibigay naman sa Mabatang Vendors and Bamboo Makers Ass. ng Barangay Mabatang.