AFAB, Itinanghal na Industrial Zone of the Year sa Asia-Pacific

Kinilala ang Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) bilang Industrial Zone of the Year – Asia-Pacific sa prestihiyosong Global Free Zones Awards 2025 na inorganisa ng fDi Intelligence, isang dibisyon ng Financial Times Group.

 

Ang naturang parangal ay taunang iginagawad sa mga free zones at industriyal na lugar sa buong mundo na itinuturing na pinakamahuhusay sa kompetisyon, pamumuhunan, at pagpapaunlad ng negosyo. Kabilang sa mga sinusuri ng fDi Intelligence ay ang kakayahan ng isang freeport na magbigay ng mahusay na serbisyo, insentibo, at suporta sa mga mamumuhunan.

 

Nakamit ng Freeport Area of Bataan (FAB) ang pinakamataas na parangal dahil sa tuluy-tuloy nitong pagpapalawak sa iba’t ibang bahagi ng Bataan, epektibong investor facilitation, at matatag na suporta sa mga industriya ng pagmamanupaktura at logistics. Binanggit din ng fDi Intelligence ang balanseng pag-unlad ng FAB na nagbibigay-daan sa parehong tradisyunal na negosyo at mga bagong sektor tulad ng blockchain at fintech services.

 

Sa pamumuno ni AFAB Administrator at CEO Hussein Pangandaman, patuloy ang pagpapabuti ng mga sistema, imprastruktura, at accessibility ng Freeport upang lalo itong maging kaakit-akit sa mga pandaigdigang mamumuhunan. Ayon sa opisyal, malaking tulong sa kanilang mandato ang bisa ng Republic Act No. 11453, na nagpapahintulot sa pagtatatag ng mga FAB Expansion Areas (FEAs) sa iba’t ibang bayan ng Bataan.

 

Dahil sa pagkilalang ito, itinuturing na ngayon ang AFAB bilang isa sa mga nangungunang industriyal na sona sa rehiyong Asia-Pacific. Pinatitibay nito ang reputasyon ng Pilipinas bilang isang kompetitibong destinasyon para sa pamumuhunan at industrial development.

 

Ang buong listahan ng mga nagwagi ay mababasa sa artikulong “Global Free Zones of the Year 2025 – The Winners” sa website ng fDI Intelligence: https://www.fdiintelligence.com/content/daa6cb71-5873-48c5-80b3-be79e118d8c2.

Leave a comment