Inilunsad ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) ang kauna-unahang virtual office para sa mga kumpanyang nasa larangan ng fintech, blockchain, at iba pang digital-based enterprises bilang bahagi ng hakbang nito tungo sa mas modernong sistema ng pamumuhunan sa bansa.
Ayon sa AFAB, ang inisyatibong ito ay naglalayong magbigay ng legal at maayos na basehan ng operasyon para sa mga kumpanyang nais magnegosyo sa loob ng Freeport, kahit walang pisikal na tanggapan. Sa ilalim ng Republic Act 11453, tanging ang AFAB lamang ang may legal na kapangyarihang maglisensya ng mga blockchain at fintech enterprises sa Pilipinas.
Matatagpuan ang Virtual Office sa loob ng AFAB Administration Building na may lawak na 800 metro kuwadrado. Tampok dito ang mga executive rooms, coworking areas, at private offices para sa maliliit na team. Sa pamamagitan nito, maaaring magrehistro, kumuha ng insentibo, at mag-operate online ang mga negosyong teknolohikal saan mang panig ng mundo habang nananatili sa ilalim ng reguladong kapaligiran ng AFAB.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa marketing@afab.gov.ph.