Muli nating pinatunayan na ang “Bayanihan spirit” ay buhay na buhay sa ating mga Bataeño sa larangan ng kooperatiba matapos magwagi ang delegasyon ng Bataan sa katatapos na 12th Regional Kooplympics na ginanap noong ika-18 ng Oktubre 18 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa ilalim ng temang “Cooperatives: United in Purpose and Action, Sharing Prosperity to Build a Better World”.
Layon ng Kooplympics na palakasin ang samahan at patatagin ang pagkakaisa ng mga miyembro ng kooperatiba sa buong Central Luzon, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Cooperative Month ngayong Oktubre. Mahigit 470 cooperative members mula sa iba’t ibang bayan ng Bataan ang lumahok sa naturang kompetisyon, kasama ng iba pang probinsya sa rehiyon.
Tampok sa tagumpay ng ating lalawigan ang pagiging kampeon sa On-the-Spot Zumba Contest, kung saan ipinamalas ng ating 20-member team ang kanilang enerhiya, koordinasyon, at di-matatawarang Bataeño pride. Hindi rin nagpahuli ang Abucay Multipurpose Cooperative na nakuha ang ikatlong pwesto sa Kalutong Pinoy Cooking and Food Presentation Contest matapos magpakitang-gilas sa pagluluto ng tradisyonal na kare-kare, gamit ang mga sangkap na mula pa sa iba’t ibang bayan ng Bataan, patunay sa likas na yaman at culinary heritage ng ating lalawigan.
Ang lahat nang ito ay naisakatuparan sa pangangasiwa ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) at Bataan Cooperative Development Council (BCDC), na patuloy na nagbibigay-suporta at oportunidad sa mga lokal na kooperatiba tungo sa mas maunlad at inklusibong ekonomiya.