banner

Gob. Abet, masaya sa mga regalong natanggap

Written by
  • Jonie L. C.
  • 7 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan Sa gitna ng masasaya at taus pusong pagbati ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan kay Gob. Albert S. Garcia sa kanyang kaarawan kahapon, masaya rin niyang binati at pinasalamatan ang mga bumubuo ng Philippine Minnesotan Medical Association (PMMA) na kasalukuyang nagsasagawa ng mga libreng paggagamot at pag-oopera sa ating mga kababayan sa Mariveles na tatagal ng limang araw.

Muli din niyang binanggit nang may pagmamalaki at pagpapasalamat ang pambansang parangal na iginawad kamakailan lang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Bataan bilang Model Local Government Unit implementing DSWD programs and services nationwide.

Si Gob. Abet mismo ang tumanggap ng plake kasama si Gng. Marilyn Tigas, Provincial Social Welfare and Development Officer noong ika-28 ng Enero sa Asian Institute of Management, Lungsod ng Makati

Kaugnay nito, masaya ring ibinalita ng gobernador na kung nung nakaraang taon ay may 8 ahensya ang Bataan na nakatanggap ng Red Orchid Award mula sa Department of Health (DoH), ngayong taong ito ay 12 na ang tatanggap nito. Ang nasabing pambansang karangalan ay may kinalaman sa pagsusulong ng Anti-Tobacco Campaign na pursigidong ipinatutupad ng lalawigan sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO).

Matatandaan na ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga kawani ng pamahalaan ay pinasimulan ni Balanga City Mayor Joet Garcia sa nasabing lungsod, na ngayon ay isa nang Hall of Famer ng Red Orchid Award. Kasama si Vice Mayor Noel Valdecanas at ang mga konsehal ng Lungsod, si Mayor Joet ay dumalo sa maikling programa kahapon.

May pagmamalaki ring ibinalita ng birthday celebrant na ang mga munisipyo ng Limay at Mariveles ay kasama sa sampung nangungunang munisipyo (Top 10) sa buong bansa sa pagkolekta ng Locally Sourced Income, ito ay batay sa pinakahuling ulat na ipinalabas ng Department of Finance (DoF) at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Bilang pagwawakas, nasambit ng hardworking governor na tunay na napakagandang regalo ang mga nasabing karangalang tinanggap ng Lalawigan ng Bataan para sa kanyang kaaarawan.

Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares