Sa kabila ng kaseguruhan na ligtas ang mga baboy sa probinsya ng Bataan sa African Swine Fever, patuloy pa rin ang kampanya ng Office of the Provincial Veterinarian sa pamumuno ni Dr. Alberto Venturina laban sa nasabing sakit.
Matatandaan na agad na ipinag-utos ni Bataan Governor Albert Garcia ang ang paghihigpit sa pagpasok ng mga karne, biik at baboy sa lalawigan mula sa ibang lugar nang pumutok na nakapasok na sa bansa ang ASF.
Ayon kay G. Genesis Tarayao ng Veterinary Office patuloy na nagsasagawa ng ASF Information Campaign ang kanilang tanggapan at pagbisita sa lahat ng mga maliliit at malalaking babuyan sa labing-isang bayan at isang lungsod sa Bataan.
Nagbibigay din sila ng bakuna sa mga baboy para makasiguro na matibay ang mga inahin at biik sa ano mang uri ng sakit.
Pinayuhan ni G. Tarayao na hangga’t maaari huwag kukuha ng mga semilya sa labas ng lalawigan para sa Artificial Insemination (AI) dahil maaaring makahawa ito sa kanilang alaga.
Idinagdag pa ni Tarayao na naglagay na rin sila ng check points sa mga liblib na lugar lalo na sa mga daungan na pwedeng daanan para makapagbenta ng baboy dito sa Lalawigan.