Piling magsasaka, irerehistro sa PHILGAP

Sa isang pagtitipon na ginanap sa Dizon’s Farm & Resort, hinimok ni Dr. Rina Paguia, Project Leader Palay/Mushroom Project, BPSU Abucay Campus na irehistro ang piling mga magsasaka mula sa mga bayan ng Pilar, Orani at Balanga City sa Philippine Good Agricultural Practices for Crops (PhilGAP).

Ayon kay Dr. Paguia kung maging miyembro sila ng PHILGAP, matuturuan ang mga magsasaka na gumawa ng sarili nilang organikong pataba gamit ang mga halaman at dumi ng hayop tulad ng pinatuyong palapa, dahon ng saging, dayami, mangga, o lahat ng uri ng dahon at pinatuyong dumi ng baboy, manok, kambing, kalabaw at baka.

Dagdag pa ni Dr. Paguia, kung masusunod ng mga magsasaka ang requirements ay magiging malusog ang mga taong kakain ng mga palay at gulay na kanilang ani dahil organiko ang mga fertilizer at insecticide na kanilang gagamitin.
Payag naman ang mga magsasaka sa ganitong pamamaraan dahil bukod sa mura o walang gastos ay makakatulong pa sila sa pagpapabuti ng kalusugan ng mamamayan.