banner

Practical at safety tips para tipid-kuryente

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

   LUNGSOD ng BALANGA,  Bataan – Sa matagumpay na pagdaraos ng Department of Trade and Industry (DTI) ng consumer welfare month ngayong Oktubre, ilang mga practical and safety tips para sa pagtitipid sa konsumo sa kuryente at paggamit ng wastong kawad at  kable ang ibinahagi nito sa publiko katuwang ang Department of Energy (DOE) at iba pang pribadong kumpanya sa kanilang culminating activity na ginanap sa Lou-is Restaurant, Capitol Drive sa lungsod na ito.

   May paksang “Sapat na impormasyon: Susi sa wastong paggamit ng enerhiya,”  binanggit ni Director Efren Balaoing, ng DOE Luzon Field Office, ang ilang mga tipid tips sa bahay at sa opisina para mabawasan ang malaking bayarin sa konsumo sa kuryente tulad ng pagbili ng air-conditioner at refrigerator na dapat ay may mataas na Energy Efficiency Ratio (EER) na makikita sa yellow label na nakadikit sa yunit. “Mas mataas ang EER, mas matipid sa konsumo sa kuryente,”  ani Balaoing.

   Sa pamamalantsa, dapat na gawin ito sa umaga kung kailan malamig ang panahon at maliwanag at unahing plantsahin ang mga makakapal at mabibigat na damit. Hindi rin dapat pabayaan na nasa stand-by mode ang inyong telebisyon dahil ito ay kumukonsumo rin ng karagdagang kuryente.

   Anya, magiging matipid din kung gagamiting panggatong sa pagluluto ay liquefied petroleum gas (LPG) kaysa kuryente. Higit sa lahat ay dapat na magkaroon din ng sistema sa pagluluto gaya ng ihanda muna ang lahat ng sangkap bago simulan ang pagluluto.

   Samantala, ipinaalala naman ni Tess Templunuevo ng Philippine Electric Wire and Cable Industry Association,  ang mga safety tips sa pagbili ng mga kawad at kable kung saan ay dapat na siguruhing maganda ang kalidad nito at pumasa sa Bureau of Products Standards. Anya, maraming pekeng produkto ng kable ang nagkalat sa pamilihan kaya’t dapat mag-ingat ang publiko upang maiwasan ang ‘short circuits’ na kadalasang nagiging sanhi ng sunog.

   Sinabi ni Templunuevo na ang mga fake wires na ito ay gumagamit ng pinaghalong copper at copper clad aluminium conductors na ibinebenta sa mga pamilihan sa murang halaga subalit delikado naman, dahilan para ito ay ipagbawal rin sa Japan, Australia, Canada at iba pang bansa.

   Kaugnay nito, pinasalamatan ni Nelin Cabahug, OIC provincial director ng DTI-Bataan, ang mga lumahok sa nasabing pagdiriwang ng kagawaran para mabigyan ng sapat na impormasyon ang publiko ukol sa mga produktong dapat na bilhin at kung paano ito gagamitin sa mas matipid na paraan na hindi kokonsumo ng malaking kuryente. 

   Nakibahagi rin sa pagdiriwang sina Alberto Oliveros Jr., ng Flat Glass Alliance of the Philippines at John Paul Aran, sales engineer ng Panasonic Phils. Marketing Corp., at Metro Bataan Development Authority (MBDA) chairman Charlie Pizarro na pinuri ang DTI sa pagtataguyod ng kapakanan ng consumers at katuwang ng provincial government sa kanilang mga programa at proyekto.

Article Tags:
·
Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares