“Byaheng Ambisyon para kina Lolo at Lola”, ito ang programang binigyang diin ni Mayor Aida Macalinao matapos makipagpulong sa Federation of Sr. Citizens kahapon bilang pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng mga matatanda.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal ng pederasyon, sinabi ng butihing Mayor na nais niyang makuha ang pangalan ng lahat ng mga senior citizens sa bawat barangay upang sila ay mabigyan ng tama at pantay-pantay na benepisyo gayundin masagot ang kanilang mga katanungan.
Ayon pa kay Mayor Aida, nagtalaga na siya ng dagdag na kawani para maibigay ang “best” para sa mga senior citizens sa kabila ng kanilang limitadong kakayahan at pananalapi.
Inatasan na rin nya umano ang tatlong doktor at mga kawani ng Samal RHU na kada buwan ay bababa sila sa bawat barangay para doon magdaos ng regular na check up o gamutan para sa mga matatanda, nang sa gayon ay hindi na mapagod at gumastos ang mga matatanda sa pagpunta sa kanilang RHU, dahil sa mismong barangay na nila idadaos ang gamutan kasabay ang pagbibigay ng libreng gamot.