Speech of President Aquino at the commemoration of Araw ng Kagitingan, April 9, 2014
Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Araw ng Kagitingan 2014 at ika-72 anibersaryo ng pagbagsak ng Bataan
Isang magandang umaga po sa inyong lahat.
Nagsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa panahong naghahanda na sa ganap na kasarinlan ang Pilipinas mula sa pagiging kolonya ng Amerika. At dahil nga narito pa ang mga hukbong Amerikano, nadawit na rin ang ating bansa sa isang malawakang digmaan. Sa pagkakataong sinasakop ang ating bayan, naging laban na rin natin ang kanilang laban. Noon pa man po, malinaw na sa mga Pilipino: Maliit man tayo, kung nasa tama tayo, lalaban tayo.










